Ang Page ni Prop
https://www.facebook.com/Ang-Page-Ni-Prop-742282709203760/?notif_t=fbpage_fan_invite¬if_id=1464998966031866
* * * *
Naghahanap ako ng pangulo.
Isang pangulo na mamumuno sa pamahalaan nang maayos. Ayoko ng pangulo, na animo’y si Spiderman na susugpuin ang kasamaan sa sanlibutan, na papasok sa isang grand entrance, kasabay ang palakpakan, na gugulpihin ang mga masasama, at itataguyod ang kabutihan. Ang gusto kong pangulo ay hindi tinitingnan ang sarili bilang bida sa pantasyang good versus evil forces. Sa cartoons lang nangyayari iyon. Naghahanap ako ng pangulo, hindi tagapagligtas.
Kung tayo ay isang bayang kailangan pa ng isang tagapagligtas, para lang matigil ang mga tao na mangupit sa kaban ng bayan, matutong pumila ng tama, at huwag magtapon ng basura kung saan-saan, kahit sinong tagapagligtas ang dumating, wala pa ring mababago. Kung ang balak natin ay hayaan ang iniintay na tagapagligtas na iayos ang gobyerno, habang tayo ay nanonood at pakuya-kuyakoy, tama lang siguro na mabulok ang mga Pinoy sa kahirapan. Kung kailangan pa natin ng tagapagligtas para umayos, talagang hanggang dito na lang tayo.
Ang hinahanap kong pangulo ay taong naniniwala hindi lamang sa kanyang kakayahan, kundi sa kakayahan din ng mga Pilipino, na iahon ang kanilang sarili at makamit ang magandang buhay, mula sa kanilang sariling mga kamay, at hindi regalo ng isang Superman. Isang pangulo na bibigyan ng inspirasyon ang buong lipunan, para muling maniwala sa kanyang sarili at kumilos bilang isa, sa kabila ng ating pagkakaiba-iba. Isang pangulo na hihimok na tayo ay magkaisa, ngunit kayang igalang ang hindi kayang sumama.
Naghahanap ako ng pangulo, hindi santo. Hindi ako naghahanap ng pinuno na walang kamalian; walang ganoon. Ang hinahanap ko ay pangulo na aaminin at tatanggapin ang kanyang kahinaan para maitama, at hindi pagtatakpan ang kanyang mga pagkakamali para lang mapanatili ang imahe ni pogi.
Ang gusto kong pangulo ay taong tutulungan ang mga tao na unawain ang ugat ng kanilang kahirapan, at tutulungan silang hanapan iyon ng tunay na lunas na pangmatagalan, hindi panandaliang pang-aliw at panlibang para makalimot sa kinalulugmukan. (Bigyan ng jacket ‘yan!).
Naghahanap ako ng pangulo na ibabalik ang kapangyarihan sa kamay ng mga mamamayan, para tulungan ang kanilang mga sarili, at hindi lang magpapamigay ng regalo at pabuya para mapanatili ang kahibangang siya lang ang pag-asa sa buhay.
Naghahanap ako ng pangulo na bubuuin ang ating mga institusyon sa pamahalaan, para mapanumbalik ang paniniwala ng tao sa kanila, at papaganahin sila para pagsilbihan ang lahat ng mamamayan, nang hindi kailangan ng padrino o lagay. Isang pangulo na gagamitin ang mga sangay ng pamahalaan para gawing daluyan ng tulong sa mga tao, at hindi gagawing palabigasan ng mga tumulong sa halalan. Pangulo na gagawa ng proyekto dahil may pangangailangan, hindi para sa kodakan.
Naghahanap ako ng pangulo na kayang humindi sa mga tao dahil mali, at hindi basta umaayon sa marami dahil lang sa sila ay marami. Naghahanap ako ng pangulo, na kayang tumanggi sa kaibigan, kapag ang interes ng bayan ang tinatamaan.
Naghahanap ako ng pangulo na matalino, ngunit may pakiramdam. Matigas, pero handang makinig. Nakikinig, pero hindi uto-uto. Napagpapayuhan, pero hindi kayang gatungan.
Naghahanap ako ng pangulo na malawak ang isip, dahil sa pag-unawa sa kasaysayan, sa pamamahala at sa tunay na damdamin ng bayan, at hindi pang-ibabaw na pagiging bibo, dala ng diploma, plake, o titulo.
Naghahanap ako ng pangulo na sikat dahil magaling, at hindi iyong magaling dahil sikat.
Naghahanap ako ng pangulo na ang tingin sa posisyon ay pagtitiwala ng taongbayan, at hindi bahagi ng manahan.
Naghahanap ako ng pangulo na hindi malalasing sa kapangyarihan at kayamanan, na laging nakaapak at nakadikit ang tainga sa lupa, at hindi mapapaniwala na ang kapakanan ng bayan at ang kanyang kapakanan ay iisa.
Naghahanap ako ng pangulo na ang iniisip ay “kayo, kayo, kayo”, at hindi “ako, ako, ako”.
From Facebook - SPM :
Ang page ni Prop
https://www.facebook.com/Ang-Page-Ni-Prop-742282709203760/?notif_t=fbpage_fan_invite¬if_id=1464998966031866
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento